Nananatiling mahalaga ang selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), kahit ipinabalik ito ng Senate Impeachment Court sa naturang ahensya.
Ito ang nilinaw ni House impeachment manager at spokesperson Robert Ace Barbers kaugnay ng nagpapatuloy na paglilitis laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, ang pagpapabalik sa mga dokumento ay hindi nangangahulugang nawalan na ito ng silbi o evidentiary value sa kaso.
Binigyang-diin din ng mambabatas na hindi lamang sa BIR box nakadepende ang House Prosecution Panel.
Marami pa umano silang hawak na dokumento, testigo, at iba pang matitibay na ebidensya na nakahandang iharap upang patunayan ang mga nakapaloob sa Articles of Impeachment laban kay VP Duterte.
Una nang sinabi ni Lead Prosecutor Gerville Luistro na iginagalang nila ang desisyon ng impeachment court kaugnay ng BIR box at umaasa pa rin ang prosekusyon na kalaunan ay mailalabas at makikita ng publiko ang mga naturang dokumento.