Ikinabahala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang missile test launch ng People’s Liberation Army Navy ng China sa Pacific Ocean.
Sa isang pahayag, sinabi ng AFP na bagama’t bahagi ito ng taunang military training, lalo nitong pinatitindi ang umiiral na pangamba sa rehiyon.
Ayon sa AFP, dapat manaig ang kapayapaan, katatagan, at pagsunod sa international law sa lahat ng hakbang ng mga bansa sa Indo-Pacific. Ito rin anila ang paninindigan ng Department of National Defense (DND) at ng pamahalaan.
Kasabay ng nalalapit na ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Victory sa July 12, muling iginiit ng AFP ang mandato nitong protektahan ang soberanya at sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nanawagan din ito ng transparency at pagtigil sa mga hakbang na nagpapataas ng tensyon at nagbabanta sa rules-based international order.