Nagmosyon si Senator-Judge Pia Cayetano na i-strike out o burahin sa record ng Impeachment Court ang naging tugon ng prosekusyon sa tanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Nagsimula ang usapin matapos magtanong si Senator-Judge Risa Hontiveros sa Prosecution Panel kasunod ng testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung hinggil sa mga video kung saan umano’y nagbanta si Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tinanong ni Hontiveros kung bakit ito impeachable offense at kung may krimen o karapat-dapat ba itong asal ng Bise Presidente.
Sa tugon ni Atty. Amando Ligutan, isa sa mga private prosectors, sinabi nitong ipinakita ng mga pahayag na hindi lang biro o walang saysay na komento ang mga pahayag ni VP Sara.
Aniya, may plano na, may sistema at may kaalaman na ang Bise Presidente sa anong gusto niyang gawin sa Pangulo.
Dagdag pa niya, ang mga naturang aksyon ay paglabag sa Konstitusyon at maituturing ding isang kriminal na gawain.
Matapos nito, pinunto ni Presiding Officer Chiz Escudero na ang tanong ni Hontiveros ay tila tumutukoy na sa pinakahuling isyung dapat pagdesisyunan sa buong impeachment proceedings.
Kaya pinaalalahanan ni Escudero ang mga kapwa senator-judges na iwasan ang ganitong linya ng pagtatanong.
Ipinahayag rin ng Presiding Officer na para maging patas ay bibigyan nila ng parehong pagkakataon at oras ang depensa na tumugon sa naging pahayag ng prosekusyon.
Pagkakataong gagawin ng defense, ayon kay Defense Counsel Atty. Carlo Joaquin Narvasa, pagkatapos ng cross examination nila sa testigong si Calilung.
Kaugnay nito, nagmosyon naman si Senador Pia Cayetano na i-strike out o burahin sa record ng Impeachment Court ang naging tugon ng prosekusyon sa tanong ni Hontiveros pero sinabi ni Escudero na pagdedesisyunan pa ito ng Impeachment Court sa mga susunod na pagdinig.
Nilinaw naman ni Hontiveros na ang kanyang tanong ay may kaugnayan sa kung paano mahalaga at may kaugnayan ang ebidensya sa mga paratang na nakasaad sa Articles of Impeachment.
Iginiit nitong hindi niya intensyong mag-provoke ng closing statement mula sa prosekusyon.