Itinaas na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Alert Level Bravo at Alert Level Alpha sa ilang lalawigan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday.
Isinailalim sa Alert Level Bravo ang lalawigan ng Batanes, na inaasahang makararanas ng malalakas na hangin na maaaring umabot sa 88 kilometro kada oras at malakas hanggang matinding pag-ulan.
Samantala, nasa Alert Level Alpha naman ang 13 lalawigan, kabilang ang Abra, Apayao, Aurora, Cagayan, Catanduanes, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, Mountain Province, Nueva Vizcaya, at Quirino.
Ayon sa DILG, maaaring makaranas ang mga lugar na ito ng hanging aabot sa 61kph at katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng DILG ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na maging alerto, sundin ang mga abiso ng mga awtoridad, at ipatupad ang mga paghahandang nakasaad sa Operation LISTO para mabawasan ang panganib dulot ng bagyo.

