Inalerto ng Department of Environment and Natural Resources–Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) ang mga LGU na bantayan ang posibleng landslide, flash flood, at pag-agos ng debris dulot ng Super Typhoon Inday.
Sa inilabas na abiso ng ahensya, tinukoy ang 2,363 barangay sa 11 rehiyon na nasa panganib ng landslide at pagbaha, batay sa geohazard maps ng MGB at 72-hour rainfall forecast ng PAGASA.
Kabilang sa may pinakamaraming barangay na posibleng maapektuhan ang Region 6 at Region 9. Samantala, 39 na barangay sa Metro Manila ang nakikitang nanganganib sa matinding pagbaha.
Dahil dito, pinayuhan na ang mga LGU, Disaster Risk Reduction and Management Councils, at mga residente na manatiling nakaalerto at ipatupad ang mga kinakailangang paghahanda, kabilang ang preemptive evacuation kung kinakailangan.
Inatasan din ang mga lokal na opisyal na regular na inspeksyunin ang mga upstream areas dahil maaaring magkaroon ng pagguho ng lupa na magdulot ng pagbabara sa mga ilog at magresulta sa biglaang pagbaha o pagragasa ng debris sa mga mababang lugar.