Nakaalerto na rin ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday.
Sa ipinatawag na Pre-Disaster Risk Assessment ni Mayor Wes Gatchalian, tinalakay ang mga ikinasang paghahanda sa lungsod kabilang ang mga responder at sapat na suplay ng emergency resources.
Iniutos na rin ng alkalde sa Office of the Building Official ang agarang pagtanggal ng mga billboard at iba pang outdoor advertising materials na maaaring tangayin ng malalakas na hangin.
Pinasuri rin ang lahat ng pumping stations para matiyak na gumagana ang mga ito, habang pinaigting ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig at drainage system upang mabawasan ang panganib ng pagbaha.
Samantala, muling hinikayat ng Valenzuela LGU ang publiko na subaybayan lamang ang mga opisyal na abiso ng pamahalaan at magsagawa ng mga kinakailangang paghahanda para sa kaligtasan ng kanilang pamilya.

