Bago pa man tuluyang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Inday, nakaranas na ng malalakas na pag-ulan at pagbaha ang ilang bahagi ng Quezon City kagabi dahil sa thunderstorms.
Batay sa ulat ng Quezon City LGU, umabot sa hanggang bewang ang baha sa Brgy Quirino 2-B, at Brgy Damayan hanggang tuhod naman sa ilang lugar sa Barangay North Fairview, E. Rodriguez at bahagi ng Commonwealth Avenue.
Nagtala rin ng half-knee-deep na baha sa V. Luna corner Anonas Extension sa Barangay Sikatuna Village at sa Zamboanga Street sa Barangay Vasra.
Samantala, gutter-deep naman ang baha sa ilang bahagi ng Sto. Domingo, Bungad, Pinyahan, Santol, Lourdes, Holy Spirit, at Sacred Heart.
Bumaha rin sa Visayas Avenue kaya agad rumesponde ang mga traffic enforcer ng Traffic and Transport Management Department (TTMD) para alisin ang mga basurang bumara sa drainage at mapabilis ang paghupa ng tubig.
Kasabay nito, muling nanawagan ang Quezon City LGU sa publiko na huwag magtapon ng basura sa mga kanal at drainage para makatulong sa pag-iwas sa pagbaha.

