Photo courtesy of DENR XII
Agad na kumilos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) XII, at ang lokal na pamahalaan ng Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat upang maprotektahan ang isang pambihirang puting unggoy na kamakailan na nag-viral sa social media.
Ayon sa DENR, ang hayop ay pinaniniwalaang isang Philippine Long-tailed Macaque na may kakaibang kondisyon sa pigmentasyon.
Sa isinagawang beripikasyon, lumabas na maaaring leucism at hindi albinism ang kondisyon nito, bagama’t kinakailangan pa ng masusing pagsusuri ng mga wildlife expert.
Bilang pag-iingat, pansamantalang isinara ang lugar kung saan ito madalas makita upang maiwasan ang panggugulo, ilegal na panghuhuli at wildlife trafficking.
Muling ipinaalala ng DENR na protektado ang lahat ng wildlife sa ilalim ng Republic Act No. 9147 at hinikayat ang publiko na huwag isapubliko ang eksaktong lokasyon ng mga wildlife sightings upang mapanatiling ligtas ang mga ito. | ulat ni Dang Sabdani-Jumala | RP Davao