Itinaas na sa Blue Alert Status ang Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) bilang paghahanda sa Super Typhoon Inday.
Bagama’t hindi inaasahang direktang magla-landfall sa bansa ang bagyo, maaari naman itong magpalakas sa southwest monsoon o habagat na posibleng magdulot ng malalakas na pag-ulan sa mga susunod na araw.
Sa ilalim ng Blue Alert Status, naka-standby ang 50% ng mga tauhan ng CDRRMD para sa agarang deployment, habang pansamantalang nilimitahan ang Free Transport Assistance para matiyak ang kahandaan ng emergency response resources.
Samantala, bilang pag-iingat, sinuspinde rin ang face-to-face classes mula Daycare hanggang Senior High School sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Caloocan ngayong Miyerkules, batay sa rekomendasyon ng CDRRMD.
Pinayagan naman ang mga paaralan na magpatupad ng asynchronous classes sa mga estudyante.