BI
Inaresto ng Bureau of Immigration ang mag-asawang dayuhan dahil sa illegal umanong pagpapatakbo ng isang resort sa Siargao ng walang kaukulang Visa.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, kabilang sa kanilang inaresto ay isang 41 taong gulang na babaeng New Zealand National, at 38 taong gulang na lalaking Swiss National.
Inaresto ang mga dayuhan matapos ang ikinasang entrapment operation sa isang resort sa San Isidro, Siargao.
Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang BI hinggil sa pagpapatakbo umano ng mga ito ng isang homestay at cafe habang nag-aalok ng yoga session sa kanilang mga guest ng walang kinakailangang work visas or permits.
Bagaman sinabi ng mag-asawang dayuhan na sila’y investor lamang, natuklasan ng mga imbestigador ng BI na sila mismo ang nangangasiwa ng establisyimento at nakikipagtransaksyon sa mga customer habang sila ay mayroon lamang temporary visitor status.
Sinabi ni Viado na hindi maaring gamitin ang tourist visa para magtrabaho o magpatakbo ng negosyo sa Pilipinas. | ulat ni DK Zarate