Photos courtesy of Bolinao Tourism Office
Pinaigting ng Pamahalaang Bayan ng Bolinao, Pangasinan ang pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan sa mga tourism establishments laban sa posibleng epekto ng Bagyong Inday.
Nagsasagawa ng information dissemination ang Municipal Tourism Office, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) Bolinao Substation upang paalalahanan ang mga may-ari, manager, at mga kawani ng mga establisimyento hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng Executive Order No. 22, Series of 2026.
Sa ilalim ng naturang kautusan, awtomatikong ipinagbabawal ang paglangoy at lahat ng water-related activities sa oras na magtaas ang PAGASA ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) o Gale Warning sa bayan ng Bolinao.
Layunin ng hakbang na matiyak na handa at sapat ang kaalaman ng tourism stakeholders upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga residente at turistang bumibisita sa bayan.
Samantala, hinikayat ng Municipal Tourism Office ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather advisory at mahigpit na sumunod sa ipinatutupad na mga safety protocol habang may banta ng masamang panahon.