DOLE
Ipinagpatuloy ngayong araw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagdinig kaugnay sa estado ng pagtatrabaho sa Pilipinas ni dating Ateneo men’s basketball head coach Tab Baldwin.
Dumalo sa pagdinig ang mga abogado ng Ateneo de Manila University at ang legal counsel ni Baldwin para sa pagpapatuloy ng clarificatory hearing.
Sa unang pagdinig noong June 29, lumabas sa records ng DOLE na hindi nag-apply si Baldwin para sa Alien Employment Permit (AEP) at hindi rin nagsumite ng aplikasyon para sa exemption o exclusion.
Dumepensa naman ang kampo ng basketball coach at iginiit na hindi umano kinakailangan ang AEP dahil mayroon na siyang permanent residency visa sa Pilipinas.
Bahagi ang clarificatory hearing ng imbestigasyon ng Labor Department upang matukoy kung may pahintulot siyang magtrabaho sa bansa at magsilbing head coach ng Ateneo Men’s Basketball Team.
Isinagawa ang imbestigasyon kasunod ng pagkasawi ng mga Ateneo basketball player na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong June. | ulat ni DK Zarate