Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian ang naging maayos at mapayapa ang pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong linggo.
Aniya, sumasalamin ito sa pangako ng Senado na itaguyod ang rule of law.
Ayon kay Gatchalian, naging maayos at organisado ang mga pagdinig, na nagbigay-daan para magampanan ng Senado ang konstitusyonal nitong tungkulin bilang impeachment court at ganito ang inaasahan nila sa buong impeachment trial.
Dagdag pa ng Senate President, ang ipinakitang disiplina at wastong asal sa mga unang araw ng paglilitis ay patunay ng pangako ng Senado na gampanan ang tungkulin nito nang naaayon sa mga prinsipyo ng katarungan at pagiging patas.
Nagpasalamat din si Gatchalian sa mga Pilipinong patuloy na sumusubaybay sa mga pagdinig at pinuntong ang pagsubaybay ng pibliko ay nagpapaalala sa kanila na hindi ito laro ng pulitika, kundi usapin ng katotohanan at pananagutan.
Pinuri rin ng Senate President ang kapwa niya senator-judges dahil sa mahinahon, disiplinado at pagiging bukas sa proseso ng paglilitis.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na nananatiling nakatuon ang Senado sa mahigpit na pagsunod sa due process sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pagkakataon sa parehong panig ng prosekusyon at depensa na maipresenta ang kanilang mga ebidensya at argumento. | ulat ni Nimfa Asuncion