Pinangunahan ni Marikina City Mayor Maan Teodoro ang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) sa kanilang lokalidad kaugnay na rin ng inaasahang paghagupit ng habagat at ng Bagyong #IndayPH sa bansa.
Ayon sa alkalde, pinagdodoble kayod niya ngayon ang pagtatabas sa mga puno, declogging at pagbabantay sa mga mabababang lugar na bantad sa pagbaha tuwing umuulan.
Kumikilos na aniya ang iba’t ibang ahensya sa lungsod para sa mabilis na pagpapakalat ng impormasyon, pagresponde gayundin ang maagap na paglilikas sa mga maaapektuhan ng kalamidad.
Tiniyak ng alkalde ang kaniyang mahigpit na pagtutok sa sitwasyon kasama ang Sangguniang Lungsod gayundin ang iba’t ibang mga tanggapan ng lungsod.
Naki-usap naman si Mayor Maan sa mga Marikeño na laging gawin ang ibayong pag-iiingat at sumunod sa mga opisyal na babala o abiso mula sa PAGASA.
