Isasailalim sa BLUE Alert status ang buong National Capital Region (NCR) ngayong araw bilang paghahanda na rin sa hagupit ng habagat at ng Super Bagyong #IndayPH.
Sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon, ini-ulat ng PAGASA na bagaman walang direktang epekto ang Super Bagyo, asahan pa rin ang malalakas na pag-ulan mula Biyernes hanggang Linggo.
Ito’y dahil sa paiigtingin ng Super Bagyo ang hanging habagat na siyang magpapa-ulan sa malaking bahagi ng bansa na maaari ring maging sanhi ng mga pagbaha.
Ayon kay Office of Civil Defense-National Capital Region (OCD-NCR) Director George Keyser, layon nito na paigtingin ng bawat LGU ang kanilang kapabilidad at kahandaan sa pagdating ng sakuna.
Sa ngayon aniya, tulong-tulong ang 17 lokalidad sa Metro Manila para paghandaan ang epektong dulot ng Super Bagyo sa kanilang nasasakupan at nakahanda namang umalalay ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council kung kakailanganin.