Sinuri nina Senator-Judges Kiko Pangilinan at Senate President Shewin Gatchalian ang kredibilidad at mga kwalipikasyon ng unang testigo ng prosekusyon na si National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Senior Agent John Mark Calilung sa ikatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang pagtatanong, tinutukan ni Pangilinan ang lawak ng kaalaman at training ni Calilung.
Tinanong ni Pangilinan si Calilung kung siya ba ay isang abogado, na sinagot nitong hindi, pero nilinaw ng NBI senior agent na siya ay may mga degree sa Accountancy at Accounting Technology at isa ring Certified Public Accountant (CPA).
Pinagtuunan din ng senador ang mga pagsasanay na natanggap ng NBI agent kaugnay ng pagpapatunay sa mga digital na ebidensiya na iniharap laban sa Bise Presidente.
Ipinaliwanag ni Calilung na mayroon siyang pagsasanay bilang certified computer hacking forensic investigator, gayundin sa computer forensics, mobile forensics, at photo and video authentication.
Sumailalim din aniya siya sa mga pagsasanay sa cybercrime investigation at may 480 hours na cybersecurity training, bukod pa sa pagsasanay sa NBI Academy tungkol sa iba’t ibang aspeto ng imbestigasyon.
Dinagdag din nitong na mayroon siyang international training na isinagawa sa Strasbourg, France.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Senate President at Senator-Judge Sherwin Gatchalian kung may partikular na sertipikasyon si Calilung para sa video forensic examination, na direktang may kaugnayan sa pagpapatunay sa mga video na iniharap bilang ebidensiya sa paglilitis.
Binigyang-diin ni Gatchalian na magkaiba ang computer hacking investigation at forensic examination ng mga video at iba pang katulad na digital evidence.
Bilang tugon, sinabi ni Calilung na sumailalim siya sa specialized training kaugnay ng paggamit ng mga digital forensic tools at mayroon din aniya siyang sertipikasyon para sa forensic examination.
Si Calilung ang unang testigo ng prosekusyon at iniharap para patotohanan ang mga video recording kung saan tungkol sa sinasabing pagbabanata ni Vice President Sara Duterte sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.