📷photos courtesy of SK Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu FB page
Inilikas ang ilang residente sa mga barangay mula mga bayan ng Lebak, Kalamansig, at Palimbang sa Sultan Kudarat dahil sa pagbaha na dulot ng malalakas na pag-ulan bunsod ng Bagyong Inday. Pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center ang mga apektadong pamilya, partikular ang mga nakatira sa mabababa at bahain na lugar.
Sa Barangay Sangay, Kalamansig, Barangay Taguisa at Tran ng Lebak at Barangay Kolong-Kolong at Culobe ng Palimbang at iba pang mga barangay ay nagsagawa ng preemptive evacuation ang mga lokal na otoridad at inilipat ang mga residente sa barangay covered court habang patuloy na minomonitor ang lagay ng panahon.
Una nang idineklarang impassable ang kalsada mula Barangay Sangay, Kalamansig patungong Barangay Kiponget sa Palimbang dahil sa mga natumbang puno na sanhi ng malalakas na hangin at ulan. Gayunman, naibalik na ang daloy ng trapiko matapos ang isinagawang clearing operations.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sultan Kudarat sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at hinihikayat ang publiko na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, lalo na ang mga naninirahan sa mga lugar na madaling bahain.