Photo courtesy of Cebu Province, Coast Guard District Central Visayas, Mandaue City PIO, Danao City PIO
Inatasan ni Governor Pamela Baricuatro ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na paghandaan ang posibleng epekto ng bagyong Inday sa Cebu.
Ayon kay PDRRMO head Ret. Col. Dennis Pastor, naka-standby na ang kanilang mga gamit kagaya ng rescue boats, at responders kung sakaling may mangangailangan ng rescue.
Natukoy na nila ang mga komunidad na madaling bahain, magka-landslide at malapit sa mga ilog kabilang na ang mga bahagi ng Cotcot, Mananga, Lusaran at sa Toledo City.
Una nang inatasan ng gobernador ang PSWDO na maghanda ng food packs para sa agarang deployment sa mga lugar na mangangailangan ng maagang paglilikas ng mga residente.
Sa Mandaue City, puspusan din ang paglilinis sa mga daluyan ng tubig at drainage sa iba’t ibang lugar upang maiwasan ang pagbaha.
Sa Danao City, naghahanda na din ang mga personnel ng City Disaster Risk Reduction and Management Office sa kanilang mga gamit kabilang ang generator sets sakaling mawalan ng kuryente at maapektuhan ang serbisyo ng tubig.
Pinaghahanda din nito ang mga residente ng kanilang “go bags” kung sakaling kailangan nilang lumikas sa mga ligtas na lugar.
Naka-standby din ang mga personnel at response assets ng iba’t ibang units ng Coast Guard District Central Visayas para sa agarang deployment at pagtugon sa anumang emergency.