Nabuwag ng mga operatiba ang isang hinihinalang drug den sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 4, Barangay Aplaya, Digos City, Davao del Sur, alas-3:35 ng hapon noong Hulyo 8, 2026.
Sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 11, naarest ang hinihinalang maintainer ng drug den na kinilalang si alyas Brad, 49 anyos, matapos nitong bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱8,000 ang isang PDEA operative na nagpanggap bilang poseur-buyer.
Inilahad sa report ng PDEA 11, Kasama ring naaresto ang kinakasama nito na si alyas “Erlinda,” na pinaniniwalaang empleyado ng drug den, gayundin ang umano’y dalawang bisita sa naturang drug den na kinilalang sina alyas “Jefrey” at “Julius”.
Ayon sa ahensya, nasamsam sa operasyon ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may iba’t-ibang laki, na may tinatayang timbang na 17 gramo na nagkakahalaga ng ₱115,600. Narekober din ng mga operatiba ang iba’t-ibang drug paraphernalia at ang marked buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kaukulang kaso dahil sa patong-patong na kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Katuwang ng PDEA 11 sa nasabing operasyon ang Davao del Sur Police Provincial Office at Digos City Police Station.
📸 PDEA 11