Bahagyang humina ang Typhoon Inday habang kumikilos pahilagang kanluran sa karagatan malapit sa Northern Luzon, ayon sa 11am weather bulletin ng PAGASA.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 865 kilometro silangan ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 165 km/h, pagbugsong aabot sa 205 km/h, at kumikilos sa bilis na 15 km/h.
Dahil dito, Signal No. 2 na ang nakataas sa Batanes, habang Signal No. 1 naman ang umiiral sa Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, northeastern portion ng Quirino (Maddela), Apayao, northern portion ng Abra (Tineg, Lagayan, Danglas, San Juan, Lagangilang, Licuan-Baay, Malibcong, Lacub, Daguioman, Dolores, La Paz), Kalinga, eastern portion ng Mountain Province (Natonin, Paracelis), eastern portion ng Ifugao (Aguinaldo, Alfonso Lista), Ilocos Norte, northern portion ng Aurora (Dilasag, Casiguran), at northern at central portions ng Catanduanes (Pandan, Caramoran, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Gigmoto, Baras, San Miguel).
Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall ang bagyo, inaasahang patuloy na palalakasin nito ang habagat, na magdadala ng malalakas na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng bansa hanggang weekend.
Inaasahang pinakamalapit ang Typhoon Inday sa Extreme Northern Luzon sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
