Photo courtesy of Senate Public Relations and Information Bureau
Nagbabala si Senadora Imee Marcos na maaaring mas maging matindi ang epekto ng mahal na bilihin sa mga Pilipino kapag tumama ang tinatayang Super El Niño bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang 2027.
Hinimok ni Senator Imee ang publiko na maghanda na ngayon, partikular sa suplay ng tubig, pero iwasang mag-hoard.
Payo ng senadora, mag-imbak ng malinis na tubig, ipaayos ang tumutulong gripo at tubo, at muling gamitin ang tubig mula sa paghuhugas o paglalaba bilang pandilig at pang-flush.
Dahil maaari aniyang umabot sa 45 hanggang 50 degrees Celsius ang heat index, pinayuhan din ang publiko na magtabi ng oral rehydration salts, gamot sa lagnat at malinis na inuming tubig, at iwasan ang mabibigat na gawain sa labas tuwing tanghali at hapon.
Hinimok din ng senadora ang mga ahensya ng gobyerno at LGU na maghanda ng malinaw na plano para sa tubig, pagkain, kalusugan at ayuda, lalo na para sa mga magsasaka at mangingisda na unang maaaring maapektuhan ng matinding tagtuyot. | ulat ni Nimfa Asuncion