Hiniling nina Senador Bong Go, Senador Robin Padilla at ng PDP-Laban sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang desisyon ng Senate Impeachment Court noong September 23 na nagtakda ng bagong batayan sa pagbibilang ng boto para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.
Sa kanilang petisyon, iginiit na dapat manatiling 16 na boto ang kailangan para mahatulan ang isang respondent, batay sa probisyong nagsasabing walang taong maaaring ma-convict nang walang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Ayon kay Go, 24 pa rin ang kabuuang miyembro ng Senado at hindi nagiging bakante ang posisyon ng isang senador dahil lamang sa kanyang pagliban o pagkakadetine.
Hiniling din ng mga petitioner sa Korte Suprema na pagbawalan ang Impeachment Court at House of Representatives na magpatupad ng conviction na wala pang 16 na boto, at ideklarang walang bisa ang anumang hatol na mas mababa rito.
Nilinaw ni Go na hindi ito usapin ng guilt o innocence ni VP Sara at hindi rin nila hinihiling na ihinto ang impeachment trial.
Aniya, tinanggap nila ang pagkatalo sa botohan sa Senado, pero naniniwala silang ang Korte Suprema ang tamang forum para resolbahin ang usapin sa interpretasyon ng Konstitusyon. | ulat ni Nimfa Asuncion