Nanawagan si Senador Bong Go ng mas matibay na hakbang ng gobyerno para maprotektahan ang mga pamilyang Pilipino matapos pumalo sa 7.2% ang inflation noong September, mula sa 6.1% noong August.
Ayon kay Go, pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ang mga pamilyang mababa ang kita, lalo na sa pagkain, kuryente, pamasahe at gastusin sa kalusugan.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), kabilang sa pangunahing nagtulak sa inflation ang pagkain at non-alcoholic beverages na umakyat sa 6.7%, habang nasa 8.4% ang inflation sa housing, tubig, kuryente, gas at iba pang fuel, at 14.6% naman sa transportasyon.
Hinimok ni Go ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na paigtingin ang pagbabantay sa presyo at suplay ng pangunahing bilihin at tugunan agad ang mga problema sa supply na maaaring magpataas pa ng presyo.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang suportahan ang mga magsasaka at mangingisda, lalo na sa epekto ng El Niño sa produksyon ng pagkain.
Iginiit din ni Go na dapat manatiling abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan, dahil dagdag na pasanin sa pamilya ang gastusing medikal sa gitna ng mataas na inflation.
Ayon sa senador, dapat maramdaman ng ordinaryong Pilipino ang serbisyo at tulong ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion