“Isang malaking kahibangan.” Ito ang prangkang reaksiyon ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña kaugnay sa pinakahuling pag-aangkin ng China.
Base sa pinakahuling ulat, sinabi ng China na ang Lalawigan ng Batanes ay bahagi umano ng China sa pamamagitan ng Taiwan.
Binigyang-diin ni Cendaña, na ang hakbang na ito ay patunay lamang ng lumalalang kawalan ng pag-asa ng Beijing habang papalapit ang ika-10 anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Award victory ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), ngayong July 12.
Ayon sa mambabatas, lalong nagiging desperado ang China dahil sa patuloy na pagdami ng mga bansa sa buong mundo na kumikilala sa karapatan at pagmamay-ari ng Pilipinas sa WPS.
Inihayag din ni Cendaña, marami na sa international community ang nakakita ng propaganda ng China.
Nanawagan ang mambabatas sa pamahalaan ng China, na gumising na sa katotohanan, tanggapin ang umiiral na mga internasyonal na batas, at igalang ang ganap na soberanya ng Republika ng Pilipinas.