Para mapalaki ang kapasidad at makapagbigay ng mas maayos na travel experience, magtatayo ang Misamis Occidental Provincial Government ng bagong passenger terminal building sa Ozamiz Airport.
Sa programang Pasyal Pinas, sinabi ni Governor Henry Oaminal na inaprubahan na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang P700 milyong pondo para sa proyekto.
“Hopefully, next month the procurement will start for our P700 million passenger terminal building and the other support facilities,” aniya.
Dagdag pa ni Gov. Oaminal, mahalagang mapalakas ang imprastraktura ng paliparan upang masuportahan ang paglago ng turismo at ekonomiya ng lalawigan.
Kasabay nito, isinusulong din ang isang bilyong pisong airport modernization package na magiging daan sa pagtatayo ng bagong control tower, cargo facilities, pagpapalawak ng parking area, at night-rating capability ng paliparan.
Inaasahang magiging operational ang bagong terminal sa unang quarter ng taong 2028.