Naka-alerto na ang lokal na pamahalaan ng Marikina bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Inday.
Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, inatasan na ang mga kawani ng City Hall at lahat ng kinauukulang departamento upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa anumang emegency.
Kasabay nito, inilagay rin sa high alert ang Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office o Rescue 161 matapos maglabas ng Yellow Rainfall Warning sa Metro Manila.
Bukod dito, nag-deploy din ang lokal na pamahalaan ng 20 rescue boats sa 10 mabababang lugar sa lungsod na madalas bahain.
Nakahanda na rin ang evacuation tents, food packs, at hygiene kits sa Concepcion Integrated School, Malanday Elementary School, Nangka Elementary School, at H. Bautista Elementary School para sa mga posibleng lilikas.
Sa ngayon, nagsagawa ng food response operations ang lokal na pamahalaan sa Manotoc Gym sa Sto. Niño at sa Nangka Elementary School. | ulat ni Diane Lear