Sinagot ng Malacañang ang pahayag ni Davao City Mayor Baste Duterte matapos nitong sabihin na ginagamit umano ng administrasyon ang batas laban sa mga kalaban sa politika.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, kung susundin ang argumento ng kampo ng Duterte, para na ring hinihikayat ang pamahalaan na huwag ipatupad ang batas at hayaang makaligtas ang mga inaakusahan ng mga krimen laban sa bayan.
Aniya, sa halip na magbintang ng pamumulitika, mas mainam kung direkta na lang sagutin ang mga isyung ibinabato laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang umano’y paglulustay ng pondo ng taumbayan.
Maging ang naging pahayag nito tungkol sa pagkausap sa killer.
“Gusto ba nila na hindi kikilos ang gobyerno, hindi susundin ang sinasabi ng batas at hayaan na makaalpas at makaligtas ang mga naaakusahang gumagawa ng krimen laban sa bayan? Bakit hindi sagutin ng diretso ang pag aakusa at hindi puro bintang na pinupulitika sila?” —Castro
Binigyang diin pa ni Castro, na ginagamit ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kapangyarihan alinsunod sa batas at hindi tulad ng mga nakaraang administrasyon.
“Nadinig na ba nila na itinanggi ng Bise Presidente ang isyung paglulustay ng pondo ng bayan at ang pag amin niyang kumakausap siya ng killer para pumatay.” —Castro
Aniya, ang tunay na abuso sa kapangyarihan ay ang pananakit sa isang sheriff na gumaganap lamang ng kaniyang tungkulin.
“Ang kapangyarihan sa panahon ni Pangulong Marcos,Jr. ay ginagamit sa tama at ng naaayon sa batas hindi tulad ng nakaaraan. Tandaan natin na ang pagsuntok sa Sheriff na gumaganap lang sa tungkulin ang tunay na abuso sa kapangyarihan.” —Castro