Photo courtesy: Press Service Of The President Of Ukraine
Kinumpirma ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy na nagkaroon na ng kasunduang pampolitika ang Kyiv at Washington kaugnay sa pagkuha ng lisensya para sa Patriot missile system.
Ayon kay President Zelenskiy, mahalagang hakbang ito upang mapalakas ang kakayahan ng bansa sa paggawa at pagpapanatili ng mga air defense system sa gitna ng patuloy na banta ng mga pag-atake ng Russia.
Ani Zelenskiy, malaking tulong ang hakbang na ito upang mapabilis ang pagkukumpuni at suplay ng mga interceptor missile na ginagamit sa mga drone at missile attack ng Moscow.
Dagdag pa nito, inaaasahan ding lalawak ang ugnayan ng Ukraine at U.S. sa larangan ng teknolohiya at depensa.
Gayunman, nilinaw ni Zelenskiy na kinakailangan pa ang pinal na pag-aapruba at pagpapatupad ng mga teknikal at legal na proseso bago ang ganap na pagsasakatuparan ng kasunduan.
Patuloy namang naninindigan ang Estados Unidos sa pagbibigay ng suporta sa depensa ng Ukraine sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan.