Kinumpirma ni Office of Civil Defense (OCD) XI Regional Director Ednar Dayanghirang na ramdam na sa rehiyon ang matinding epekto nang pinaigting na Habagat dulot ng Bagyong Inday.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, iniulat ni Dayanghirang na nakararanas ngayon ng malalakas na pag-ulan at malawakang pagbaha ang kanlurang bahagi ng Davao Occidental.
Samantala, nakatutok din ang ahensya sa Davao Oriental at Davao del Norte na nakararanas naman ng mga pag-ulang dulot ng localized thunderstorms.
Binigyang-diin din ni Dayanghirang ang kaniyang matinding pagkabahala sa sitwasyon sa bayan ng Jose Abad Santos.
Bukod sa banta ng baha at habagat, sariwa pa sa lungsod ang pinsala ng nagdaang lindol.
Ayon sa opisyal, isa pa lamang sa mga pinsala mula sa nakaraang lindol ang tuluyang naayos.
Nananatiling kritikal at nangangailangan nang agarang atensyon ang anim na iba pang natukoy na landslide areas o artificial dams sa naturang bayan.
Upang matugunan ang banta ng kalamidad, nanawagan si Dayanghirang nang agarang kilos mula sa pamahalaan.
Iminungkahi nito ang mabilisang pagtatayo ng isang Command Post na bubuoin ng 44 na lokal at pambansang ahensya upang mapabilis ang pagpapadala ng tulong.
Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ng OCD Davao Region na sapat at nakahanda na ang food packs at emergency relief goods para sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.