Mariing tinanggihan ng House prosecution panel ang pagtatangka ng depensa na bigyang-katwiran ang naging banta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa prosekusyon, walang sino mang opisyal ng gobyerno ang may karapatang magbanta sa buhay ng kapwa, ano man ang dahilan o provocations.
Ito ang tugon ng prosecution team sa dahilan ng depensa na ‘conditional threat’, kaya nagawa ng pangalawang pangulo ang pagbabanta dahil sa umano’y “Oplan Romanov”.
Ayon kay legal spokesperson at counsel para sa House prosecutors Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., ang paratang ukol sa “Oplan Romanov” ay nananatiling isang kuwento lamang at walang ano mang ebidensiyang ipinakita sa Senate impeachment court para patunayan ito.
Para naman kay prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, hindi ito usapin kung conditional or absolute, dahil sa criminal law walang conditional threat na tinatawag.