Umabot na sa 22 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pagkalunod at pagguho ng lupa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa bunsod ng Bagyong Inday at Habagat.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), siyam ang naitalang sugatan habang 18 ang pinaghahanap.
Patuloy pa ring ang beripikasyon ng NDRRMC sa mga naitalang casualty.
Samantala, aabot na sa mahigit 170,000 pamilya o halos 755,000 indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad.
Sa bilang na ito mahigit 21,000 indibidwal mula sa halos 5,000 pamilya ang nananatili sa 97 evacuation centers.
Nasa 1,000 bahay naman ang napinsala, habang tinatayang mahigit ₱3 milyon ang pinsala sa imprastraktura at ₱12.5 milyon naman sa sektor ng agrikultura.
Nasa mahigit ₱58.5 milyon na halaga ng tulong ang naipagkaloob ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya. | ulat ni Diane Lear