Eksakto alas-3:10 ng hapon nakalabas na ang PNP Coaster na sinaksakyan ni dating Department of Public Works Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Ito ay para dumalo sa pagdinig ng kaniyang kasong graft sa Sandiganbayan 2nd Division.
Nakasuot ng kahel na t-shirt o detainee t-shirt at itim na jacket si Bonoan at naka-wheelchair nang isakay sa PNP Coaster.
Gwardiyado ang dating kalihim ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group nang dalhin sa Sandiganbayan.
Bukod sa kasong graft sa Sandiganbayan 2nd Division, nahaharap din sa kasong plunder at graft sa Sandiganbayan 5th Division si Bonoan na isang non-bailable na kaso. Kapwa akusado niya rito si Senador Jinggoy Estrada.
Matatandaang sumuko ang dating kalihim sa Sandiganbayan noong Hunyo kaugnay ng kasong plunder na may kaugnayan sa anomalya sa flood control projects. | ulat ni Diane Lear