Ipatutupad simula sa July 16 ang gun ban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang bahagi ng paghahanda sa parliamentary elections sa September.
Kaugnay nito, pinaigting ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang koordinasyon upang matiyak ang mapayapa at maayos na halalan.
Bukod dito, natukoy na rin ng mga awtoridad ang ilang lugar bilang election hotspots.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mahigpit ang koordinasyon ng Pambansang Pulisya sa mga awtoridad upang mapigilan ang mga banta sa eleksyon at mapanatili ang kapayapaan sa BARMM.
Nagbabala rin ang PNP na maaaring gamitin ng mga nalalabing miyembro ng Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters para takutin ang mga botante at maimpluwensiyahan ang proseso ng halalan.
Bilang paghahanda, makikiisa ang PNP sa pinaigting na operasyong militar ng AFP laban sa mga natitirang armadong grupo.
Inatasan din ni Nartatez ang mga hepe at police commander na palakasin ang police visibility, paigtingin ang intelligence gathering, at manatiling mapagmatyag upang matiyak ang ligtas at maayos na parliamentary elections. | ulat ni Diane Lear