Naitala ang Lalawigan ng Albay na may pinakamababang inflation rate sa buong Bicol Region sa 5.6% noong June 2026, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) Albay.
Mas mababa rin ito kumpara sa 6.0% na naitala sa lalawigan noong Mayo.
Ayon kay PSA Albay Chief Statistical Specialist Cecil Brondial, nakatulong sa pagbagal ng inflation ang ipinatupad na price freeze matapos isailalim sa state of calamity ang ilang lungsod at munisipyo sa lalawigan dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Dagdag naman ni Senen Briones, Senior Trade Industry Development Specialist ng DTI Albay, nakadagdag din sa pagbaba ng inflation ang unti-unting pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.
Batay sa datos ng PSA Albay, pangunahing nag-ambag sa pagbagal ng inflation ang mas mababang pagtaas ng presyo sa housing, water, electricity, gas and other fuels, sinundan ng food and non-alcoholic beverages, at transport.
Samantala, kabilang sa mga pangunahing commodity na nakaapekto sa pangkalahatang inflation ng lalawigan ang bigas, gasolina, LPG, kuryente, at iba pang pelagic fish.
Sa buong Bicol Region, sumunod sa Albay ang Catanduanes na may 6.2% inflation rate, Sorsogon na may 8.1%, Camarines Sur na may 8.3%, Masbate na may 8.4%, habang Camarines Norte ang nagtala ng pinakamataas na inflation rate sa rehiyon na 9.2% noong June 2026.