Nakatakdang lumahok ang Philippine Air Force (PAF) sa pinakamalaking biennial multinational air combat exercise ng Royal Australian Air Force na Pitch Black 2026 mula Hulyo 17 hanggang Agosto 7.
Bago ito, pinangunahan ni Air Force Commander, LtGen. Arthur Cordura ang isang send-off ceremony at talk to troops noong Hulyo 7 sa Floridablanca, Pampanga.
Dito, binigyang-diin ni Cordura ang kahalagahan ng propesyunalismo, disiplina at kahandaan sa misyon habang kinakatawan ng Air Force ang bansa sa isa sa pinakamalaking combat exercise sa rehiyon ng Indo-Pasipiko.
Ayon kay Air Force Spokesperson, Col. Ma. Christina Basco, mahigit 200 Air Force personnel ang lalahok sa naturang pagsasanay kasama ang 2 FA-50 fighter jets at 1 C-130 aircraft.
Bagaman hindi isinapubliko ang eksaktong mga senaryo ng pagsasanay, sinabi ni Basco na kabilang dito ang counter-air operations bilang bahagi ng multinational air combats.
Nabatid na 21 partner nations ang lalahok sa Pitch Black 2026 para palakasin ang interoperability, operational readiness at defense cooperation.