Mariing iginiit ni House prosecutor at Rep. Chel Diokno (Akbayan Party-list) na may konstitusyonal na kapangyarihan ang impeachment court sa mga bank at tax records nila VP Sara Duterte at asawang si Atty. Mans Carpio.
Sa kanyang pagharap sa senator-judges sa gitna ng oral arguments, binigyang-diin ni Diokno na dapat ibasura ng Senado ang mga pagtatangka ng depensa na ipagkait sa pagsusuri ang mga pinansyal na rekord ng bise presidente.
Aniya, ang impeachment court ang may kapangyarihan na magpasya kung ano ang isang impeachable offense.
Diin niya, walang sinumang maaaring magdikta sa impeachment court kung paano gagamitin ang eksklusibong kapangyarihang ito.
Ikinatwiran ni Diokno na ang mga bank at tax records ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio ay lubhang mahalaga upang mapatunayan ang mga alegasyon sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment.
Sa ilalim ng Article II, inakusahan si Duterte ng unexplained wealth na lagpas sa kanyang legal na sahod bilang opisyal ng pamahalaan, hindi pagdedeklara ng maraming ari-arian sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) mula 2022 hanggang 2025, at paglabag sa konstitusyon na bawal para sa mga opisyal na pumasok sa negosyo habang nasa pwesto.