Naipresenta nang maayos at epektibo ng prosekusyon ang kanilang mga testigo at ebidensya para sa Article 4 ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang kumpiyansang pahayag ni House Prosecutor at Iloilo Rep. Lorenz Defensor matapos ang dalawang linggong paglilitis.
Ayon kay Defensor, kahit umabot sa mahigit tatlong oras ang naging cross-examination, nanatiling matatag ang testimonya nito.
Ito rin ang naging paliwanag ng mambabatas sa katanungan ng media kung bakit nagpasya ang prosekusyon na iurong na ang testimonya ng lima pa nilang testigo.
Ang mga witness na ito ay nakatakda sanang magsalita ukol sa mga reklamong grave threat, sedition, violation of the Constitution, at betrayal of public trust — na pawang mga krimen at paglabag na kabilang sa mga impeachable offenses.
Inihayag ni Defensor na ayaw na nilang patagalin at maging paulit-ulit pa ang takbo ng paglilitis.
Tiwala aniya ang panel na sapat na ang testimonya ng unang dalawang testigo mula sa National Bureau of Investigation (NBI) upang patunayan ang kanilang punto: na nagbanta si VP Duterte sa buhay ng pinakamataas na opisyal ng bansa.