Nagbigay ng karangalan sa Eastern Visayas ang regional champions na sina Emma Pagangpang at Jorgelen Cañete mula sa bayan ng Limasawa, Southern Leyte matapos maging national finalists sa Walang Gutom: Kusinero Cook-Off Challenge Season 2 na isinagawa noong Hulyo 17 sa Quezon City MICE Center.
Kinatawan ng dalawa ang Rehiyon VIII sa pamamagitan ng kanilang inihandang putahe na “Tahong Garden Stack with Roasted Garlic Coconut Cream Sauce,” na kabilang sa 12 regional champion entries mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bilang pagkilala sa kanilang husay at dedikasyon sa kompetisyon, tumanggap sina Pagangpang at Cañete ng ₱100,000 consolation prize mula kay First Lady Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos.
Ayon sa DSWD, sumasalamin ang tagumpay ng dalawa sa kanilang natamong kaalaman sa Kalusugan, Kakayahan, at Kabuhayan (3K) Sessions ng Walang Gutom Program, na naglalayong palakasin ang kaalaman ng mga benepisyaryo sa nutrisyon, kabuhayan, at paghahanda ng masustansyang pagkain.
Ipinakita rin ng kanilang paglahok sa pambansang patimpalak ang mayamang kulturang pangkulinarya, lokal na sangkap, at talento ng Eastern Visayas, partikular ng isla ng Limasawa.
Dinaluhan ang programa nina DSWD Secretary Rex Gatchalian, First Lady Liza Araneta-Marcos, DSWD Field Office VIII Regional Director Grace Q. Subong, Limasawa Mayor Melchor Petracorta, at iba pang opisyal ng DSWD at mga katuwang na ahensya. | ulat ni Penelope Pomida, RP Borongan
📸 DSWD-8