Ikinatuwa ng Bantay Senado ang naging desisyon ng Senate Impeachment Court na aprubahan ang hiling ng prosecution na ipasubpoena ang bank records, AMLC records, at tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Bantay Senado Convenor at Spokesperson Prof. Cleve Arguelles, mahalagang hakbang ito upang masuri ang mga ebidensyang may kaugnayan sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman na nakasaad sa Articles of Impeachment.
Sinabi ni Arguelles na tagumpay ito para sa publiko dahil makatutulong ang subpoena sa paghahanap ng katotohanan at sa patas na pagdinig ng impeachment trial.
Dagdag pa niya, pinagtitibay ng desisyon ang prinsipyo ng Konstitusyon na ang “public office is a public trust “at dapat may pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno.
Muli ring nanawagan ang Bantay Senado para sa isang transparent, patas, at nakabatay sa ebidensya na paglilitis habang nagpapatuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. | ulat ni Rey Ferrer