Mariing kinondena ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang panibagong pisikal na agresyon ng China Coast Guard laban sa mga tauhan ng Philippine Navy na naka-duty sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Biniyang-diin ni Ejercito na nasa loob ng karagatan ng Pilipinas ang mga sundalo at maayos na ginagampanan ang kanilang tungkulin nang hampasin sila ng wooden pole ng mga tauhan ng China Coast Guard.
Sinabi ng senador na tila “doble-kayod” na ang China Coast Guard sa pangha-harass at pananakot sa Pilipinas.
Binanggit ng senador na hindi na lang sa aktuwal na insidente sa dagat ito ginagawa kundi maging sa pagpapakalat ng mga AI-generated propaganda, na tila lalo pa aniyang tumindi kasunod ng paggunita sa anibersaryo ng 2016 Arbitral Ruling noong nakaraang linggo.
Iginiit ni Ejercito na ang paggamit ng dahas ay hindi makapagpapawalang-bisa sa umiiral na international law kaugnay ng West Philippine Sea.
Nanawagan din ang mambabatas sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agad dalhin ang insidente sa international community at gamitin ang lahat ng diplomatiko at ligal na hakbang upang mapanagot ang China sa umano’y patuloy nitong paglabag sa international law.
Nagpahayag din ang senador ng suporta sa Department of National Defense (DND) sa pagbibigay ng kinakailangang tulong sa Philippine Navy, lalo na sa mga nasugatang tauhan.
📸 PN
