SOURCE: Philippine News Agency
Matapos ang halos 13 taon, malapit nang matapos ng National Bureau of Investigation o NBI ang DNA testing sa mahigit 2,200 biktima ng Bagyong Yolanda sa Tacloban City.
Ayon kay NBI Eastern Visayas Regional Director Jeremy Lotoc, nasa 90 porsiyento na ang tapos sa DNA analysis.
Layon nitong mai-turnover ang resulta sa Tacloban LGU bago ang anibersaryo ng Bagyong Yolanda sa November 8.
Sa pamamagitan ng DNA test, matutukoy na ang pagkakakilanlan ng mga labing nakahimlay sa mass grave sa Holy Cross Memorial Park. Malaking tulong ito para sa mga pamilyang halos labintatlong taon nang naghahanap at nag-aabang ng kasagutan kung saan eksaktong nakalibing ang kanilang mga mahal sa buhay.
Paliwanag ng NBI, kinailangan ang DNA test dahil wala nang dental o fingerprint records ang karamihan sa mga biktima. Isusunod naman ng NBI ang pag-eksamina sa iba pang mass graves sa mga karatig-bayan. | ulat ni Louisa Erispe