Itinanggi ng New Bilibid Prison o NBP ang mga ulat na dalawang linggo nang walang supply ng tubig at pinagbabayad ang mga PDLs para dito.
Paliwanag ni NBP Superintendent Gary Garcia, bagamat ginagawa pa ang mga nasirang water pump, bumibili ang Bureau of Corrections (BuCor) ng tubig sa Maynilad at nagrarasyon din gamit ang kanilang mga fire truck.
Binigyang-diin niyang libre at walang anumang bayad ang tubig para sa mga PDL dahil ang BuCor ang sumasagot sa lahat ng gastos.
Hinala naman ng NBP, paninira lamang ang mga pekeng balita dahil sa mas hinigpitan nilang pagsasagawa ng “Oplan Galugad” o inspeksyon sa loob ng NBP.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Bilibid na patuloy ang pag-aayos sa mga water pump habang sinisigurong sapat ang supply ng tubig sa loob.