Pinasinungalingan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng China Coast Guard kaugnay sa insidente sa Ayungin Shoal noong July 20.
Ayon sa AFP, ang pangunahing isyu ay ang paglapit ng China Coast Guard Rigid Hull Inflatable Boat sa BRP Sierra Madre, na anila’y iligal na pagpasok sa lugar kung saan may sovereign rights ang Pilipinas sa ilalim ng international law.
Ayon pa sa AFP, kumilos ang mga tauhan ng Philippine Navy nang propesyonal alinsunod sa Rules of Engagement nang magdeploy ng dalawang rubber boats para paalisin ang China Coast Guard vessel.
Binigyang-diin ng AFP na hindi ang Pilipinas ang nagsimula ng komprontasyon.
Lumala lamang anila ang sitwasyon matapos umanong balewalain ng China Coast Guard ang utos na umalis at huwag magsagawa ng mga aksyon na labag sa batas, kabilang ang paghampas ng kahoy na baton sa tauhan ng Philippine Navy.
Anila, nagpakita ng pagpipigil ang mga sundalo at ipinagtanggol lamang ang kanilang sarili alinsunod sa umiiral na mga patakaran. Kinondena rin ng AFP ang mga disinformation campaign, kabilang ang AI-generated video na inilabas ng isang Chinese state media outlet na anila’y naglalayong baluktutin ang mga pangyayari at pahinain ang 2016 Arbitral Award.