Kinatigan ng Senate Impeachment ang hiling ng prosekusyon na ipa-subpoena ang bank, Anti Money Laundering Council (AMLC), at tax records nina Vice President Sara Duterte, asawa nitong si Atty. Manases Carpio, Carpio lawyers, at 19 na korporasyong iniuugnay sa kanila.
Sa naging desisyon ni Presiding Officer Chiz Escudero, ipinaliwanag ni Escudero na nakabatay ang kanyang naging desisyon sa precedent o naging ruling noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Nakita rin ng Impeachment Court na ang records ay may prima facie relevance o may sapat na paunang batayan na may kaugnayan sa kaso, at hindi isang fishing expedition lang.
Sinang-ayunan rin ng Impeachment Court ang pagpapa-subpoena ng mga bank at tax records mula taong 2007 hanggang 2021.
Gayunman, limitado lang sa peso bank accounts nina VP Sara, Carpio, Carpio lawyers, at ng 19 na korporasyon na iniuugnay sa kanila. Hindi sakop ng subpoena ang foreign-currency deposits nina Duterte hangga’t aniya’y walang written consent mula sa mga depositors.
Ibinasura rin ng Impeachment court ang hiling na ipa-subpoena ang records ng JTC Group of Companies at Pikimong Pikimong Philippines Corporation dahil sa kakulangan ng ebidensyang nag-uugnay sa mga kumpanya nila VP Sara.
Kasunod ng ruling na ito, inatasan ng Impeachment Court na isumite ng mga bangko at AMLC ang records sa July 30 ng alas-9 ng umaga.
Samantala, hihintayin naman ng korte ang magiging tugon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin Mendoza sa subpoena sa tax records nina VP Sara sa July 30 ng alas-10 ng umaga dahil kinikilala ng korte na sa ilalim ng Tax Code ay maaari pa ring igiit ng BIR Commissioner ang pangangailangan ng pahintulot ng Pangulo bago ilabas ang mga naturang dokumento.
Ngayong araw, nakatakdang ipresenta ng prosekusyon ang hiling ng testigo nila para sa Article 4 ng Articles of Impeachment (assassination plot) na si NBI Director Melvin Matibag.