Photo courtesy of Office of the Executive Secretary
Tinututukan ni Executive Secretary Ralph Recto ang paghahanda para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lunes (Hulyo 27).
Una nang nagpatawag ng pulong ang kalihim, kasama ang mga opisyal ng security cluster, kung saan inatasan ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na higpitan pa ang koordinasyon para sa seguridad, trapiko, at crowd management.
Isa sa mga tinututukan sa paghahanda, ay ang quick reaction o mabilis na pagtugon sa mga insidenteng magdudulot ng abala o panganib sa mga commuter.
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Presidential Security Command (PSC), una nang tiniyak ang sistema ng seguridad na kanilang ipapatupad.
“Siguruhin nating magiging mapayapa at maayos ang SONA para sa lahat …. Dapat handa tayo, magkakaugnay ang ating pagkilos, at mabilis ang ating pagtugon sa anumang sitwasyon,” — ES Recto.
Ayon kay ES Recto, mahalaga na mabalanse ang pagpapatupad ng batas at paggalang sa mga karapatan ng mamamayan.
“Gawin ninyo ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang isang mapayapa, ligtas, at maayos na SONA,” — ES Recto.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ng kalihim na igalang ang karapatan ng mamamayan na ipahayag ang kanilang saloobin.
“Igalang ang hindi pagsang-ayon, ngunit maging matatag laban sa karahasan, kaguluhan, at anumang banta sa kaligtasan ng publiko,” — ES Recto.
Kung matatandaan, una nang sinabi ng Malacañang na magiging simple ngunit dignified ang pagdaraos ng SONA sa Lunes, walang mga A-list directors na mangangasiwa sa kaganapan, at ang PCSO Chorale ang aawit ng Lupang Hinirang.