Pinagtibay ng ASEAN at Russia ang kanilang matatag na strategic partnership sa idinaos na ASEAN Post-Ministerial Conference with Russia, kasabay ng paggunita sa ika-35 anibersaryo ng kanilang dialogue relations.
Sentro ng talakayan ang pagpapatibay ng ASEAN centrality at ang pagsusulong ng isang multipolar world order.
Sa pagbubukas ng pulong, kinilala ng ASEAN, sa pamamagitan ng Myanmar bilang country coordinator, ang lumalalim na ugnayan ng dalawang panig at ang patuloy na suporta ng Russia sa ASEAN-led mechanisms at ASEAN centrality. Inilahad din ang plano para sa mas pinalawak na kooperasyon sa enerhiya, agrikultura, food security, agham, teknolohiya, at digital transformation sa ilalim ng bagong ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action 2026-2030.
Samantala, nagpasalamat si Russian Foreign Minister Sergey Lavrov sa Pilipinas bilang ASEAN Chair sa maayos na pagho-host ng pagpupulong. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ASEAN bilang maaasahan at kaparehong katuwang ng Russia sa rehiyon.
Iginiit din ni Lavrov ang suporta ng Moscow sa ASEAN centrality at ang pagtataguyod ng isang mas makatarungan at matatag na multipolar world order, kung saan isinasaalang-alang ang interes ng lahat ng bansa at pinalalakas ang kooperasyon sa Asia-Pacific.
Inaasahan ng ASEAN at Russia na higit pang mapapalalim ang kanilang strategic partnership sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga napagkasunduan sa Kazan Summit at ng mga bagong plano ng pagkilos, upang palawakin ang kooperasyon sa seguridad, ekonomiya, at sustainable development sa mga susunod na taon.