📷 DSWD FO 1
Mahigit 2,700 benepisyaryo sa mga bayan ng Mangatarem, Pozorrubio, at Rosales sa Pangasinan ang nakatanggap ng unang ₱2,000 na ayuda sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT Assistance.
Sa Mangatarem, umabot sa 1,331 benepisyaryo ng Group 2 UPLIFT ang tumanggap ng paunang tulong-pinansyal. Kasabay nito, isinagawa rin ang enrollment at pag-link ng kanilang napiling digital financial account upang direkta nilang matanggap ang mga susunod na ayuda sa digital bank account o e-wallet hanggang Disyembre.
Samantala, 1,374 pang benepisyaryong nakatala sa 2024 Community-Based Monitoring System ng Philippine Statistics Authority at kabilang sa kategoryang mahihirap at near-poor ang nabigyan din ng unang ₱2,000 assistance sa Pozorrubio at Rosales.
Ayon sa DSWD Field Office 1, ipinatutupad ang UPLIFT Assistance alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Matatanggap pa ng mga benepisyaryo ang karagdagang ₱10,000 sa loob ng susunod na limang buwan hanggang Disyembre sa pamamagitan ng digital payout.