Nilagdaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Justice (DOJ) ang isang information-sharing agreement para mapabilis ang imbestigasyon at pag-uusig sa mga financial account scam at iba pang paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act.
Lumagda sa kasunduan sina BSP General Counsel Roberto Figueroa, bilang kinatawan ni BSP Governor Eli Remolona Jr., at DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty sa punong tanggapan ng BSP sa Maynila.
Sa ilalim ng kasunduan, maaaring humiling at tumanggap ang DOJ ng impormasyon hinggil sa mga financial account mula sa Consumer Account Protection Office ng BSP, alinsunod sa batas at BSP Circular Number 1214.
Inaasahang mapapabilis nito ang pagtunton sa mga sangkot sa kahina-hinalang transaksiyon, pagpigil sa operasyon ng mga scammer at pagprotekta sa publiko laban sa karagdagang pagkalugi dahil sa panloloko.
