Hindi na kailangang magkasakit o ma-admit sa ospital upang pakinabangan ang benepisyo sa PhilHealth.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Batanes, iniulat ni PhilHealth Regional Office 02 Acting Regional Vice President Dr. Salvacion Madarang na personal na nakipagpulong ang mga opisyal ng PhilHealth Region 02 sa mga lokal na pinuno kasama ang mga mayor at municipal health officers ng lalawigan ng Batanes.
Layunin ng pulong na ito na ipatupad ang pag-arangkada ng PhilHealth YAKAP (Yaman Ng Kalusugan Program Para Malayo Ka Sa Sakit) sa probinsya.
Pahayag ni Dr. Madarang, ang mga lokal na opisyal at doktor sa Batanes ang magsisilbing prime movers o pangunahing tagapatupad ng pinakabagong package na ito mula sa PhilHealth.
Sa ilalim ng mandato ng universal healthcare ng pamahalaan, ang YAKAP program ang pinakamodernong simula ng isang komprehensibong outpatient benefit package para sa lahat ng Pilipino.
Kung dati nakakakuha lang ng tulong ang PhilHealth members kapag nakahiga na sa kama ng ospital, ngayon ipamamahagi na ang mga libreng gamot, libreng konsultasyon, health risk assessment, laboratory tests, at maging cancer screening nang hindi na kailangang ma-confine.
Binigyang-diin ng PhilHealth official na prevention o ang pag-iwas sa sakit bago pa man ito lumala ang pangunahing layunin ng programang ito. | ulat ni Bea Gaza-De Guzma | RP Batanes