Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na ipinagpaliban muna nito ang pagdating ng 250,000 metric tons (MT) ng inangkat na isda patungong huling quarter ng taon (Q4).
Medyo nausog ang naturang schedule kumpara sa naunang plano na papapasukin ang mga angkat na isda simula ngayong Agosto.
Paliwanag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., papayagan lamang ang pagpasok ng naaprubahang volume ng angkat na isda kapag nag-umpisa na ang opisyal na closed fishing season, lalo’t sapat at matatag pa naman ang kasalukuyang suplay ng isda mula sa mga lokal na mangingisda.
“Malamang baka sa closed season na lang iti-trigger iyon, baka October na o November,” pahayag ni Tiu Laurel.
Sinabi rin ng kalihim na ginawa ang hakbang na ito kasabay ng pagpapalawig sa panahon ng pangingisda bilang paghahanda sa posibleng epekto ng banta ng malakas na El Niño.
Binigyang-diin naman ni Tiu Laurel na mananatili at hindi mababawasan ang naaprubahang 250,000 MT na kabuuang angkat ng frozen fish at iba pang produktong-dagat para sa buong taon.
“Yung 250,000 na iyon final na iyon for the year pero iti-trigger lang kapag kailangan,” dagdag pa niya.
Sapat na Suplay at Presyo sa Pamilihan
Siniguro ng DA na mananatiling sapat ang suplay at stable ang presyo ng mga produktong-dagat at isda sa mga pampublikong pamilihan, tulad ng bangus at tilapia.
Ayon sa pinakahuling ulat ng DA-Bantay Presyo sa Metro Manila:
- Bangus: P200 hanggang PHP270 bawat kilo
- Tilapia: P110 hanggang PHP180 bawat kilo